Ang Mabuting Samaritano

Posted Setyembre 10, 2008 by byakuyakuchiki
Categories: Uncategorized

Galing ako sa simbahan kanina, day off ko ngayon at dahil alanganing araw wala akong makasama na gumimik o di kaya’y mamasyal. Kaya naisipan ko na lang na dumalaw sa St. Anne’s Church na malapit dito sa amin.

Malapit na ako sa simbahan ng tumawag ang isang kaibigan kaya’t di agad ako nakapagdasal, sa halip naupo ako sa isang bench sa labas ng simbahan at nakipagusap sa cellphone. Habang nakikipag-usap ako isang lalaki ang lumapit, mga nasa edad 40 pataas. Tinanong niya ako kung mayroon daw akong 20 dollars dahil naiwan niya ang kanyang wallet, at kaya siya nagpunta sa simbahan upang manghiram sana ng panggasolina sa pari, pero wala ito roon.

Kaya’t saglit kong pinutol ang paguusap namin ng aking kaibigan sa cellphone at binigyan ko ang lalaki ng pera, do ko na itinanong ang kanyang pangalan. Ngunit kinuha niya ang pangalan at numero ng aking cellphone, ibabalik daw niya ito sa akin.

Hindi ko alam kung mababalik pa nga ang pera, bagama’t hindi naman kalakihan ang halaga na iyon, iniisip ko na lang na kung niloko man niya ako, siya na ang magdadala noon at hindi ako. Ang sa akin lamang naipakita ko sa kanya na bilang isang Filipino, mabuti akong tao at nakahandang tumulong hindi lamang sa aking kababayan kung di kahit sa ibang lahi man.

Kalungkutan

Posted Setyembre 5, 2008 by byakuyakuchiki
Categories: Uncategorized

Natupad na ang hangarin kong magkaroon ng trabaho, dapat sana ay puro kagalakan lang ang nararamdaman ko pero, hindi ko maialis na malungkot at kung minsan naiitatanong ko kung tama ba ang naging desisyon ko na lumayo sa pamilya ko para lamang sa mas malaking kita.

Dati rati mga pangarap lamang ang mahalaga sa akin, mga bagay na gusto kong maabot para sa sarili ko at para sa aking pamilya. Pero ngayon ko naiintindihan na mas mahalaga pa rin ang mga sandaling kasama ang mga mahal sa buhay. Dahil gaano man kalaki ang perang kitain, ang mga lumipas na panahon ay hindi na maaaring balikan at punan.

Dalawang taon din ang kontratang pinirmahan ko kung kaya’t mahaba rin ang aking ipagtitiis. Kung nalulungkot man ako kailangan ko na lang ulit-ulitin sa sarili ko na ginagawa ko ito para sa magandang bukas ng mga taong mahal ko…una para sa aking inang at sa iba ko pang mga kapatid. Kahit papaano ngayon ay malinaw na sa akin kung ano ang dahilan ng pananatili ko rito, hindi na ako natutuliro sa paghahabol sa pag-ibig na walang patutunguhan. Narito ako para sa pamilya ko, sa mga taong hindi ako pinabayaan at nanatiling naka-suporta sa akin sa kabila ng mga pagsubok sa buhay ko, kaya’t sisikapin kong mas maging matatag upang hindi sila mabigo.

Katigasan ng Ulo

Posted Setyembre 1, 2008 by byakuyakuchiki
Categories: Uncategorized

Tags: ,

Marahil kung mayroong isang bagay na napakahirap iwaksi para sa akin, yun ay walang iba kung hindi ang katigasan ng ulo ko.

Ilang beses na ba akong muntik ng mapahamak, nasaktan at nagdusa ng dahil lamang sa hindi ako nakikinig sa mga payo sa akin, at pilit kong sinusunod ang nasa isipan ko, pero heto’t ganun pa rin ang gawi ko. Hay! Talaga yatang hindi basta – basta nababago ang ugali ng tao.

At kung minsan naitatanong ko na rin sa aking sarili kung kailan ba matitigil ang katigasan ng ulo ko, lalo na sa larangan ng pag-ibig. Yung mga salitang: “move – on, get a life” ay hindi na bago sa pandinig ko. Maraming beses ng sinabi sa akin ang mga katagang yan, mula sa aking kapamilya at mga kaibigan pero sadyang may mga bagay na hindi ko basta malimutan. Marahil dahil na rin sa ayokong kalimutan.

Katulad na lamang ni Spiderman, bilang isang silahis maramirami na rin akong nakarelasyon. Pero siya yata ang pinakamahirap limutin. At hanggang ngayon kung tatanungin ako, may itinatago pa rin akong pagtingin para sa kanya. At napakahirap magpanggap na magkaibigan na lamang kami, bagama’t totoo iyon para sa kanya, dahil nakikita ko at nararamdaman na kaibigan na nga lamang ang turing niya sa akin. Ngunit sa kalooblooban ko, nasasaktan man ay hindi pa rin matigil ang pag-asa ko na isang araw, magkakabalikan kaming muli.

Ang tanga-tanga ko nga raw pagdating sa pag-ibig. Eto ang madalas kong marining lalo na mula sa isang matalik na kaibigan. Pero mayroon bang tao na matalino sa larangan ng pag-ibig? Wala naman di ba? Dahil kung sasabihin mong alam mo, malamang nagiisip ka at hindi umiibig.

Ano pa man ang maging katwiran ko, isang bagay pa rin ang nanatiling totoo – matigas talaga ang ulo ko! Hindi ko alam kung gaano pa katagal akong magdurusa ng dahil sa ugali kong ito. Ngunit magkagayon man, masaya pa rin naman ako kasi kahit papaano naguusap kami, masayang magkasama at naroroon pa rin ang pagtitiwala niya sa akin. Kailangan ko na nga lang pag-aralan kung paano hindi masaktan tuwing naririnig kong kausap niya ang bago niyang boyfriend sa telepono. At ang pagpipigil sa maka-mundong isipin kapag nakikita ko siyang naka-boxer shorts at bagong paligo he he he (parang ang laswa yata ng sinabi ko.)

Hay tama na muna ito. Hanggang sa susunod. :-)

Ang Unang Lahathala

Posted Agosto 29, 2008 by byakuyakuchiki
Categories: Uncategorized

Tags:

Bakit nga ba tayo nagsusulat? Naitanong nyo na ba ang bagay na ito sa inyong sarili? Para sa akin 12 – years old ako ng magsimulang sumulat at magtago ng journal o diary. Nagsimula ito dahil narin sa payo sa akin ng aking Inang na kapag may mga bagay na gumugulo sa aking isipan at hindi ko kayang sabihin kahit kanino, sa halip na kimkimin ay mas mabuting isulat ko ito at ng gumaan ang kalooban ko.

Siyempre pa, tama si Inang, talagang nakagagaan ng pakiramdam kapag naisulat mo na ang anumang bagay na nangyari na, maging mga alalahanin at agam-agam. Para ka narin kasing nakipag-usap sa isang taong matamang nakikinig. At ang pinaka-maganda pa sa pagsusulat, hindi madaldal ang papel, lapis o maging ang computer. Basta’t maingat ka lamang ay mananatiling lihim ang ano mang bagay na ayaw mong ipabatid sa iba.

Ito marahil ang dahilang kung bakit ako nawiwili sa blogging. Sa katunayan ay pangalawa na ang blog na ito na aking inakda. Kaya lamang iba yung tema nung isa, sapagkat doon ay mga piling karansan lamang ang naibabahagi ko dahil na rin sa may mga taong nakakaalam na ako ang may katha ng blog na iyon. May mga bagay kasi na hindi ko masabi at maipaalam sa iba.

Katulad ngayon, punong-puno ng lungkot ang dibdib ko. Hindi ko alam kung bakit pero kusa na lang pumapatak ang luha ko. Hinahanap ko ang isang bagay na malayo sa akin, bagay na dati’y tila naipagwalang-bahala ko lamang, kung kaya siguro lalong mabigat sa pakiramdam, dahil kalakip na rito ang pagsisisi. Kaya lamang wala naman talagang nagsisi sa una, palagi na lamang itong nasa huli. Mapalad na lamang ako dahil kahit papaano alam kong hindi pa huli ang lahat para sa akin.

Sa makababasa nito malamang ay malito kayo sa mga sinasabi ko, subalit kung tutugaygayan ninyo ang aking mga susunod pang lathala, natitiyak kong magiging malinaw din ang lahat. At kapag nangyari na iyon, kayo na lamang ang bahalang maghusga kung nakakatawa, corny, boring o sadyang madrama lamang talaga ang buhay ko.

Hanggang sa susunod!